Ayuda, fare relief ikakasa matapos muling sumipa ang langis

NAGHAHANDA na ang pamahalaan ng serye ng hakbang upang maibsan ang epekto ng inaasahang matinding pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel, kabilang ang fare adjustment at panibagong ayuda para sa sektor ng transportasyon.
Iniharap ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport Committee (UPLIFT) kay Executive Secretary Ralph Recto ang mga panukala sa kanilang pagpupulong noong Huwebes, Setyembre 17.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang agarang pag-apruba sa fare adjustments para sa mga pampublikong sasakyang direktang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng krudo.
AYUDA PARA SA TSUPER AT OPERATOR
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nakahanda rin ang panibagong targeted assistance sa ilalim ng AICS program ng DSWD para sa mga kwalipikadong transport operators at drivers.
Kasama rin sa package ang toll exemptions para sa provincial buses upang mapababa ang kanilang operating expenses.
Iminungkahi rin ang pagsuspinde sa terminal fees sa PITX at buwanang membership fees sa mga SM public transport terminals.
DISCOUNT SA TREN, LIBRENG SAKAY
Kasama rin sa mga panukala ang 50% discount sa MRT-3 at LRT-2 fares, Piso RORO terminal fees at pagpapatuloy ng Libreng Sakay programs ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Layunin ng mga hakbang na saluhin ang dagdag-gastos ng mga tsuper, operator at commuter habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis—na maaari ring magdulot ng pagtaas sa gastos sa transportasyon at presyo ng mga pangunahing bilihin.



