Date
Time
CityLoading...
Weather☀️ 29.9°C
USD P62.54
EUR €0.86
The Insider News Philippines
Back to Home
Nation

P12 fuel discount ng PUV drivers, pinatigil muna ng LTFRB

NI Tony CastilloSeptember 19, 20262 min read7 views10 hours ago
P12 fuel discount ng PUV drivers, pinatigil muna ng LTFRB

PANSAMANTALANG sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P12 kada litro na fuel discount para sa mga public utility jeepney (PUJ) at UV Express simula Biyernes, Setyembre 18, dahil sa umiiral na election ban para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon sa LTFRB, mananatiling suspendido ang programa habang hinihintay ang kaukulang pahintulot ng Commission on Elections (Comelec) para maipagpatuloy ang pagpapalabas ng pondo.

Nagsimula noong Setyembre 18 ang election ban at nakatakdang magtapos sa Nobyembre 1.

Sa ilalim ng election ban, may mga limitasyon sa paggamit at pagpapalabas ng pampublikong pondo para sa mga social welfare at social services program, maliban sa mga programang pinahintulutan ng Comelec.

Kasabay ng suspensyon ang panibagong dagok sa mga driver at operator dahil sa matinding pagtaas ng presyo ng langis.

Ngayong linggo, umakyat ng P5.68 kada litro ang gasolina, P4.31 ang diesel at P4.62 ang kerosene, ayon sa Department of Energy (DOE).

Nauna nang itinaas ng pamahalaan sa P12 kada litro ang fuel discount para sa mga kwalipikadong PUV driver at operator, na maaaring magbigay ng hanggang P1,800 na tipid kada linggo sa bawat benepisyaryo.

Samantala, sinabi ng DOE na pumalo sa average na $99.41 kada bariles ang Dubai crude mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11—mas mataas sa $80 kada bariles na threshold na itinakda ng batas para sa posibleng pagbabawas o pagsususpinde ng fuel excise tax.

Habang hinihintay ang desisyon ng Comelec, pinag-aaralan ng pamahalaan ang iba pang hakbang upang mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa mga driver, commuter at iba pang sektor.

Share:

Related Articles