Cayetano hinamon si Lacson na himayin din ang flood control projects sa buong bansa

HINAMON ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Senator Panfilo Lacson na siyasatin din ang mga flood control project sa iba’t ibang distrito sa bansa nang kasinglalim ng pagsusuri nito sa Taguig upang maiwasan ang alegasyon ng selective justice.
“Eto challenge kay Senator Lacson: Kung paano mo hinihimay ang Taguig, pumili ka ng dalawa, tatlong lugar pa na iba. Ganun din ang himay mo para hindi sabihin na selective justice,” wika ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream nitong Biyernes, September 18, 2026.
Giit ni Cayetano, hindi dapat sa iilang lugar lamang nakatuon ang imbestigasyon sa mga flood control project, lalo na kung layunin nitong matukoy ang mga iregularidad at mapanagot ang mga sangkot sa korapsyon.
“If you’re saying you’re fighting corruption, sige, let’s see it. Ang daming distrito sa buong Pilipinas. Hindi lang naman siguro Davao at saka Taguig ang meron flood control projects. ‘di ba?” aniya.
Ipinagtanggol din ni Cayetano ang mga hakbang ng Taguig sa paglaban sa baha, at sinabing malaki na ang ipinagbago ng mga lugar na dati ay matagal bago humupa ang tubig-baha.
Nilinaw niyang may ilang lugar pa ring nakararanas ng flash flood, pero malaki na ang ibinuti ng sitwasyon sa mga bahagi ng lungsod na dati ay madalas lubog sa baha.
“Taguig is very successful. Dati, one-third ng Taguig or more binabaha. Ngayon, may pa-isa, dalawa, tatlong flash flood in certain areas, pero hindi na binabaha y’ung one-third ng Taguig. Nagwo-work y’ung flood control,” sabi niya.
Binigyang diin ni Cayetano na hindi niya kinukuwestiyon ang sinasabing layunin ni Lacson na labanan ang korapsyon. Ang nais niya, masaklaw din ng imbestigasyon ang iba pang lugar na may mga flood control project.
Sa mga susunod na araw, sinabi ni Cayetano na tatalakayin pa niya ang mga issue sa flood control at korapsyon, kabilang ang mga regulasyon sa pagtatayo ng mga gusali sa mga lugar na walang development.
Binanggit din niya ang pangangailangang muling pag-aralan ang pag-unlad sa mga probinsya sa gitna ng mabilis na urbanisasyon.
Ayon pa kay Cayetano, dapat nakatuon ang mga opisyal ng gobyerno sa paglutas ng mga problema ng bansa sa halip na palalain pa ang mga ito dahil sa bangayang pampulitika.
“Nariyan tayo [para] i-solve ang problema, hindi palakihin y’ung problema,” sabi niya.



