Babaeng pasahero sa eruplano, nag-bomb joke, arestado
NAGKAGULO ang seguridad sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City matapos umanong magbiro ang isang babaeng pasahero na may bomba sa kanyang laptop habang sasakay sa eroplanong patungong Maynila noong Agosto 31, 2026.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nasa galley umano ng eroplano ang pasahero nang humingi siya ng tulong para hanapin ang laptop na naiwan niya sa departure area.
Nang makita at maibalik sa kanya ang laptop, pinabuksan ito para sa verification. Dito umano binitawan ng pasahero ang pahayag tungkol sa bomba na agad nag-trigger sa security response.
Agad kumilos ang mga tauhan ng PNP Aviation Security Group at isinagawa ang kaukulang security procedures. Inaresto rin ang pasahero at ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatang konstitusyonal.
Patuloy naman ang beripikasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari at ang eksaktong konteksto ng kanyang sinabi.
Inihahanda ng PNP ang kaukulang reklamo laban sa pasahero dahil sa posibleng paglabag sa Presidential Decree No. 1727, o Anti-Bomb Joke Law.
Nagbabala naman si Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na walang puwang ang mga biro tungkol sa bomba sa mga paliparan.
Ayon kay Nartatez, maaaring magkaroon ng malaking epekto sa seguridad ang isang simpleng pahayag, kahit pa sinabing biro lamang ito.
“Sa airport, bawat salita at kilos may epekto sa seguridad,” ani Nartatez.
Hinimok ng PNP ang publiko na iwasang magbiro o magbitaw ng anumang pahayag na may kaugnayan sa bomba o pambobomba—hindi lamang sa airport kundi maging sa mga paaralan, pampublikong lugar, establisimyento, tanggapan at maging sa social media.
Ipinaliwanag ng pulisya na ang ganitong mga pahayag ay maaaring magdulot ng takot, makaantala sa operasyon at mag-trigger ng kaukulang security measures.
Patuloy namang paiigtingin ng PNP ang seguridad sa mga paliparan at iba pang lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, habang iginagalang ang due process at mga karapatan ng bawat inaaresto.



