Date
Time
CityLoading...
Weather--°C
USD P62.54
EUR €0.86
The Insider News Philippines
Back to Home
Nation

512 kilos na shabu nasabat sa Laos; Mga paliparan hihigpitan

The Inisder News PHOctober 16, 20262 min read4 viewsOct 16, 2026
512 kilos na shabu nasabat sa Laos; Mga paliparan hihigpitan

PAIIGTINGIN ng pamahalaan ang inspeksiyon sa mga kargamentong sakay ng private aircraft matapos masabat sa Laos ang 512 kilo ng hinihinalang shabu na umano’y nakatakdang ipuslit sa Pilipinas.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagkukulang sa seguridad sa mga paliparan na maaaring magamit sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Sinabi ni Remulla sa Palace press briefing nitong Biyernes na kailangang higpitan ang pagsusuri sa lahat ng kargamentong dumarating sakay ng mga pribadong eroplano.

Batay sa pinagsamang imbestigasyon ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakatakda umanong lumapag sa Pilipinas ang eroplanong nasabat sa Luang Prabang International Airport sa Laos at pumarada sa MAPTRA hangar sa Pasay City.

Kabilang sa 11 indibidwal na iniuugnay sa nabigong shipment si dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang, alyas “Sultan,” na umano’y financier ng operasyon.

Itinuro rin ni Remulla si PEMS Aileen Jayne Manalo Mendoza ng PNP Aviation Security Group, na umano’y nag-ayos sa paggamit ng hangar; si Abdulkarim Macalatas, na sinasabing consignee ng kargamento; at si Fahad Mulok Dibarosan, na naaresto sa Laos.

Ayon kay Remulla, si Rimbang umano ang nagbayad kay Mendoza para sa landing rights at paggamit ng hangar, habang si Dibarosan, na bayaw umano ni Rimbang, ang nadakip sa Laos.

Kinilala rin bilang mga person of interest sina Rioklyn Pizarras Toledo, alyas “Boyet”; Abdullah Rimbang Macarimbang; Aldren Nadal Samante; Rudy Isidro; Christian Fabrigas; Rohaniah Rimbang; at Hilario De Vera, alyas “Larry.”

Ayon pa kay Remulla, nagmula umano sa Golden Triangle, isang kilalang sentro ng produksyon at kalakalan ng ilegal na droga sa Southeast Asia, ang hinihinalang shipment.

Nilinaw rin ng kalihim na hindi kailanman lumapag o nag-take off sa Pilipinas ang naturang eroplano, taliwas sa naunang mga pahayag.

Samantala, kinumpirma ng PNP na sinibak muna sa puwesto si Mendoza at inilagay sa restrictive custody habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Nananatili naman sa Pilipinas si Rimbang.

Share:

Related Articles