Date
Time
CityLoading...
Weather--°C
USD P62.54
EUR €0.86
The Insider News Philippines
Back to Home
Nation

BIR, pinahinto muna ang pagpaskil ng registration seal ng mga online sellers

NI Len DancelOctober 26, 20262 min read9 viewsOct 26, 2026
BIR, pinahinto muna ang pagpaskil ng registration seal ng mga online sellers

PANSAMANTALANG sinuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Lunes ang mandatory sa pagpapaskil ng registration seal badge sa mga website, social media business page, at iba pang digital platform hanggang sa susunod na abiso.

Ayon sa inilabas na Revenue Memorandum Circular No. 113-2026 na nilagdaan ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng hakbang na ito na matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga hakbang ng ahensya para sa beripikasyon ng pagpaparehistro ng mga nagbabayad ng buwis.

“Maaaring ipagpatuloy ng mga taxpayer na nakakuha na ng kanilang BIR Registration Seal Badge ang pagpapaskil nito sa kanilang mga online platform, kung nais nila,” ayon sa circular.

Nilinaw din ng ahensya na walang ipapataw na parusa dahil lamang sa hindi pagpapaskil ng registration seal badge habang umiiral ang suspensyon.

Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya ang kilalang aktres at vlogger sa requirement ng BIR na obligahin ang mga content creator at iba pang kumikita sa digital platforms na magpakita ng registration seal sa kanilang mga online platform.

Sa isang post sa Threads, sinabi ng aktres na nagbabayad na siya ng buwis mula noong edad 13 siya.

Kinuwestiyon din niya kung bakit kailangan pa niyang patunayan ang kanyang pagsunod sa mga obligasyon sa buwis sa pamamagitan ng pagpapaskil ng BIR registration seal badge.

Dagdag pa ng aktres, katanggap-tanggap sana ang naturang requirement kung hindi umano ninanakawan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno ang mga Pilipino.

Una nang naglabas ang BIR ng Revenue Memorandum Circular No. 038-2026 na nag-aatas sa mga taxpayer na sangkot sa online business na ipaskil ang opisyal na seal na inilabas ng ahensya sa kanilang mga website, e-commerce page, o social media business account bilang patunay ng kanilang pagpaparehistro.

Saklaw ng patakarang ito ang iba't ibang kalahok sa digital economy, kabilang ang mga online seller, freelancer, propesyonal, vlogger, influencer, at iba pang kumikita sa pamamagitan ng mga digital platform.

Ayon sa BIR, idinisenyo ang registration seal badge upang maprotektahan ang privacy at personal na impormasyon ng mga online seller, service provider, at content creator.

Sa pamamagitan ng pag-scan sa badge, maaaring beripikahin ng mga kliyente at mamimili kung rehistrado sa BIR ang mga negosyante at iba pang kumikita sa digital economy.

Share:

Related Articles