Diesel, posibleng muling sumipa ng dagdag P10.50

ASAHAN na ang muling pagtataas ng presyo ng petrolyo sa susunod na linggo, partikular sa diesel na posibleng tumaas ng hanggang P10.50 kada litro, bunsod ng tumitinding kaguluhan sa Middle East at mga pag-atake sa oil facilities sa Russia.
Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, maaaring madagdagan ng P10 hanggang P10.50 kada litro ang diesel, habang P4.50 hanggang P5 kada litro naman ang posibleng itaas sa gasolina.
Ipinaliwanag ni Bellas na nakikitang magiging mahigpit ang suplay ng petroleum products dahil sa mga pagkagambala sa mahahalagang ruta ng transportasyon ng langis.
Kabilang dito ang Strait of Hormuz at Red Sea, na kapwa mahalagang daanan ng oil shipments, pati ang East-West pipeline ng Saudi Arabia na ginagamit bilang alternatibong ruta upang maiwasan ang Strait of Hormuz.
Dahil sa mga insidente, lumakas umano ang pangamba sa kakulangan ng suplay at limitadong availability ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Batay ang projection ni Bellas sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa galaw ng foreign exchange.
Ang MOPS ang pangunahing batayan sa pagpepresyo ng refined petroleum products sa Southeast Asia.
Samantala, Lunes, Setyembre 21, 2026 ilalabas ng pamahalaan ang opisyal na price adjustment para sa mga produktong petrolyo.


