MTRCB, babaguhin ang rules sa streaming, online games

TINAPOS na ng House of Representatives ang plenary deliberations sa panukalang ₱49.987 milyong budget ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa 2027, kasabay ng panawagan ng mga mambabatas na i-update ang mga patakaran sa streaming platforms, online games at iba pang digital content.
Sa pagdinig, sinabi ni Leyte Rep. Lolita T. Javier, vice chairperson ng House Committee on Appropriations at sponsor ng MTRCB budget, na pangunahing sasagot ang panukalang pondo sa personnel services ng ahensya.
Ang maintenance at iba pang operating expenses at capital outlays naman ng MTRCB ay pinopondohan mula sa kita ng ahensya.
Samantala, hiniling ni PHILRECA Party-list Rep. Presley C. De Jesus na balikan ng Kongreso ang Presidential Decree No. 1986, ang batas na lumikha sa MTRCB, o kaya ay magpasa ng bagong batas para maiangkop ang mandato ng ahensya sa mabilis na pagbabago ng paraan ng panonood at paggamit ng media ng mga Pilipino.
Binigyang-diin din ni De Jesus ang malaking ambag ng entertainment at media industry sa ekonomiya, partikular sa paglikha ng trabaho.
Suportado naman ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett V. Nisay ang pag-update sa mandato ng MTRCB upang mas mapalakas ang proteksyon sa mga manonood at kaalaman ng publiko, lalo na sa mga bata at kabataan.
Ayon kay Nisay, mahalaga ang age at content classification upang magkaroon ng praktikal na gabay ang mga manonood—partikular ang mga magulang—sa pagpili kung ang isang palabas o online content ay angkop para sa kanilang mga anak.
Samantala, iginiit ni Javier na mas angkop ang regulasyon kaysa tuluyang pagbabawal sa mga digital platform upang maprotektahan ang mga bata laban sa marahas at hindi angkop na online content.
Ang MTRCB budget deliberations ay bahagi ng masusing pagsusuri ng Kamara sa panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027 sa pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Appropriations Committee Chairperson Mikaela Angela B. Suansing.
Tinitingnan ng Kamara kung paano maisasalin ang pondo ng bawat ahensya sa konkretong benepisyo para sa publiko, habang inaangkop ang mga institusyon ng pamahalaan sa mabilis na pagbabago ng pangangailangan ng mga Pilipino.


