IPMR Board Member, staff timbog sa P260K entrapment sa Aurora

ARESTADO ang isang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) provincial board member at kanyang staff matapos umanong tumanggap ng P260,000 sa isinagawang entrapment operation ng Baler Municipal Police Station (MPS) sa Baler, Aurora nitong Biyernes, Setyembre 18, 2026.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Randy Ogian Salo, IPMR Provincial Board Member at residente ng Purok 6, Barangay Ditale, Dipaculao, Aurora, at Ronalyn Esteban Pasagian, secretary nito at residente ng Purok 4 ng naturang barangay.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-10:16 ng umaga sa isang restaurant sa Quezon Corner Carrasco Street, Barangay 1, Baler, matapos umanong makatanggap ng reklamo hinggil sa iregularidad sa pagbabayad para sa mga serbisyong transportasyon na ginamit noong 2025 Indigenous Peoples Day.
Ayon kay Police Major Donna Fe M. Galban, hepe ng Baler MPS, nagkita sa naturang establisimyento ang mga suspek at mga nagreklamo bilang bahagi ng transaksyong naging dahilan ng operasyon.
Batay sa ulat ng pulisya, matapos umanong tanggapin ni Salo ang P260,000, agad siyang inaresto ng mga operatiba at nabawi ang perang ginamit sa entrapment operation.
Kasama rin sa operasyon ang kanyang staff na si Pasagian, na ayon sa pulisya ay kabilang sa transaksyong iniimbestigahan.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang reklamo sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor.
Samantala, lumutang sa imbestigasyon ang alegasyon na 64 na van ang idineklarang transportation units sa Provincial Capitol sa ilalim ni Salo, samantalang 11 van lamang umano ang aktuwal na nirentahan sa pamamagitan ng isang kooperatiba.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang naturang transaksyon at ang iba pang posibleng sangkot sa umano’y iregularidad.



