Ombudsman kinasuhan ang pamilya Villar
KAKAHARAPIN ng pamilya Villar ang mga kasong kriminal at administratibo matapos magsampa ang Office of the Ombudsman ng reklamo kaugnay ng umano’y kuwestiyonableng joint venture agreements (JVAs) ng Prime Water Infrastructure Corporation (PWIC) sa mga local water districts.
Kabilang sa mga respondent sina Senador Mark Villar at Camille Villar, negosyanteng si Paolo Villar, at kanilang mga magulang na sina dating senador Manny at Cynthia Villar.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, umabot sa 75 local water districts ang pumasok sa JVA sa PWIC mula 2015 hanggang 2022, batay sa impormasyong isinumite ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).
Tinukoy umano ng Ombudsman ang mga kasunduan bilang “grossly disadvantageous” sa panig ng mga local water districts.
Sa 75 water districts, 19 ang naglabas ng notice of pre-termination dahil umano sa hindi pagtupad ng PWIC sa mga obligasyon nito sa ilalim ng mga kasunduan.
Kabilang sa mga reklamong iniulat ang umano’y kabiguan ng kompanya na magbigay ng tuluy-tuloy na suplay ng tubig at ang mga problema sa kalidad ng inuming tubig.
Bukod dito, nakapagtala rin umano ang Commission on Audit (COA) ng P65.65 milyon na hindi pa nababayarang obligasyon ng PWIC, kabilang ang paggamit ng mga materyales at suplay na nasa imbentaryo ng mga local water districts.
Sinabi ni Clavano na kasalukuyang nasa preliminary investigation ng Ombudsman ang mga kaso upang matukoy ang kaukulang pananagutan ng mga respondent.



