P5.97-M ecstacy nasamsam sa Nigerian national sa Angeles City

ARESTADO ang isang Nigerian national na kabilang sa High Value Individual (HVI) list ng pulisya matapos masamsaman ng 3,510 hinihinalang ecstasy tablets na nagkakahalaga ng ₱5.97 milyon sa isang buy-bust operation sa Angeles City, Pampanga, noong Oktubre 16.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Police Station 4 ng Angeles City Police Office, katuwang ang iba’t ibang intelligence at anti-drug units ng pulisya, sa kahabaan ng 1st Street, Barangay Balibago, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3.
Bukod sa mga ecstasy, narekober din ng mga awtoridad ang marked money na ginamit sa operasyon.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagproseso, habang isinailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiskang ebidensiya.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., bahagi ang operasyon ng patuloy na pagsisikap ng pulisya na labanan ang ilegal na droga sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga kinauukulang ahensiya at pagsunod sa mga umiiral na batas.



