2 batang Aeta, natagpuang patay sa Mapanuepe lake

SAN MARCELINO, ZAMBALES — Kapwa wala nang buhay nang matagpuan ang dalawang batang Aeta na kabilang sa mga pasaherong nawawala matapos tumaob ang isang motorized banca sa Mapanuepe Lake noong Huwebes.
Unang narekober dakong alas-10:10 ng umaga nitong Sabado, Agosto 29, ang katawan ng 3-anyos na si Chandnea Serrano dela Cruz matapos itong makita ng isang residente na naglalakbay sa lawa patungong Barangay Buhawen.
Ayon kay Police Maj. Exodus Rodriguez, hepe ng San Marcelino Police, iniahon ng residente ang bata at agad na dinala sa mga awtoridad. Kinumpirma naman ng ama ang pagkakakilanlan ng biktima.
Matapos nito, humingi ng tulong ang mga pulis sa isang boatman upang makabalik sa lugar kung saan natagpuan ang bata.
Hindi nagtagal, nakita rin malapit sa lugar ang katawan ng 8-anyos na si Anqelito Serrano Liwanag, na agad na narekober ng rescue team bandang alas-11 ng umaga.
Naging mahirap umano ang search and rescue operation dahil sa pabago-bagong panahon. Pabugso-bugso ang ulan at hangin at bigla itong lumalakas habang isinasagawa ang paghahanap.
Batay sa ulat, 13 Aeta ang sakay ng motorized banca nang tumaob ito malapit sa Sunken Church sa Barangay Buhawen noong Agosto 27 habang pabalik sa kanilang komunidad sa Sitio Lumibao.
Sa pagkakarekober sa dalawang bata, walo na ang nasawi sa trahedya, kabilang ang limang bata, habang apat na pasahero ang nakaligtas.
Patuloy naman ang paghahanap sa 26-anyos na buntis na isa sa mga pasaherong hanggang ngayon ay nawawala.



