Duterte, nanawagan ng pantay na imbestigasyon

HINAMON ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na ilabas sa publiko ang konkretong ebidensya sa mga flood control project na umano’y may “red flag,” kabilang ang mga sinasabing ghost at substandard projects.
Kasabay nito, iginiit ni Duterte na hindi dapat mauwi sa personalan ang imbestigasyon at dapat sa ebidensya nakatuon ang pagsisiyasat sa halip na sa kung sino ang paulit-ulit na nakakakuha ng mga kontrata.
“Kung may ghost o substandard projects, imbestigahan lahat—Davao man o saan mang bahagi ng bansa. Walang selective investigation. Ebidensya ang dapat magsalita,” ani Duterte.
Ang pahayag ng kongresista ay kasunod ng sinabi ni NBI Director Atty. Melvin Matibag na 47 sa 100 flood control projects sa distrito ni Duterte ang nakitaan umano ng “red flag.”
Sa ambush interview, sinabi ni Matibag na anim sa mga ito ang may malinaw na problema, kabilang ang mga proyektong tinukoy umano bilang ghost o substandard.
Ayon kay Matibag, nakabatay ang mga paunang finding sa mga dokumentong nakuha ng NBI mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inihayag din ng NBI na nasa 51 indibidwal mula sa tatlong construction company ang ipapatawag para sa imbestigasyon.
Kabilang dito ang Genesis88 Construction, na sinasabing nakakuha ng humigit-kumulang P1.9 bilyong flood control projects sa distrito ni Duterte. Kabilang din sa mga kompanyang susuriin ang Agong Construction at Gemma Construction.
Maaari ring padalhan ng subpoena ang regional director ng DPWH at mga kinatawan ng Commission on Audit (COA), ayon sa NBI.
Una nang sinabi ni Matibag na ang may-ari ng Genesis88 Construction ay isang “long-time friend” ng pamilya Duterte.
Sa kanyang panig, hiniling ni Duterte na huwag gawing personal ang imbestigasyon at sa halip ay tukuyin kung may naganap na overpricing, ghost projects, substandard construction, kickback o anumang uri ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Iginiit niyang dapat pare-pareho ang pamantayan sa lahat ng proyekto, anuman ang lokasyon o kung sino ang mga personalidad na konektado rito.
Hinamon din ni Duterte ang mga nagsasagawa ng imbestigasyon na ilabas ang mga dokumento, video at aktuwal na ebidensya upang makita mismo ng publiko kung alin ang may problema.
Kasabay nito, kinuwestiyon ng kongresista ang mga alegasyon kaugnay ng mga proyekto sa distrito ni Laguna 1st District Rep. Ann Matibag.
Tinanong niya kung mayroon ding mga dokumento at video na maaaring ilahad kaugnay ng mga naturang proyekto at hiniling na tingnan din ang mga contractor na Discaya na umano’y may hawak ng dalawang proyekto roon.
Sinabi ni Duterte na may hawak umano silang mga video na may kaugnayan sa mga proyekto sa distrito ni Matibag at sa mga Discaya.
Samantala, sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure, sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na bukod sa umano’y matagal nang kaibigan ng pamilya Duterte ang may-ari ng Genesis88, isa rin umano ito sa pinakamalalaking campaign donors ni Vice President Sara Duterte.
Hindi naman dapat, ayon kay Duterte, mauwi lamang sa palitan ng alegasyon ang imbestigasyon.
Hiniling din niya sa NBI na gawing mas bukas sa publiko ang proseso, kabilang ang paggamit ng live video, upang mismong taumbayan ang makasaksi sa pagsusuri sa mga proyekto.
“Daghang Salamat NBI! Sa wakas maisa-isa na gyud ninyo ug pakita sa mga tao na inyong giimbestigahan ang projects diri,” pahayag ni Duterte.
Para sa kongresista, ebidensya ang dapat manaig upang malinaw na matukoy kung may ghost, substandard o iba pang anomalya sa mga flood control project.


