Pulis sumuko matapos umanong barilin ang Barangay Kagawad

KUSANG sumuko sa kanyang mga kabaro ang isang pulis matapos umanong barilin at mapatay ang isang barangay kagawad sa Palapag, Northern Samar, nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 18, 2026.
Hindi muna isinapubliko ng pulisya ang pangalan ng suspek, isang patrolman na nasa edad 40 at residente ng Barangay Palapag. Ang biktima naman ay nasa edad 50 at residente ng Barangay Mapno.
Ayon sa Palapag Municipal Police Station (MPS), nakaupo ang biktima sa isang waiting shed sa tapat ng barangay auditorium nang lapitan umano siya ng suspek dakong alas-2:53 ng hapon.
Ilang beses umanong pinaputukan ng pulis ang kagawad bago mabilis na tumakas sa lugar.
Natagpuan ang biktima na duguan at wala nang buhay sa likod ng waiting shed. Narekober naman ng mga awtoridad sa crime scene ang limang basyo ng bala ng 9mm at isang slug.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, posibleng personal na alitan ang motibo sa pamamaril. Lumalabas din na dati nang may hindi pagkakaunawaan ang suspek at biktima at sangkot umano ang kanilang mga pamilya sa isang alitan.
Kalaunan, kusang nagtungo ang suspek sa Palapag police station at sumuko sa kanyang mga kabaro.
Isinuko rin nito ang kanyang PNP-issued Taurus 9mm pistol, tatlong magazine at 23 bala ng baril.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa police custodial center ng Palapag MPS habang inihahanda ang kasong murder laban sa kanya.



