32 Patay sa Luis, Maymay, Neneng at Habagat

UMABOT na sa 32 ang nasawi habang 19 ang sugatan at tatlo ang nawawala dahil sa epekto ng Enhanced Southwest Monsoon (Habagat) at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, batay sa pinakahuling datos alas-7 ng umaga noong Agosto 29, 2026.
Pinakamalaki ang bilang ng nasawi sa Benguet na may 15, kung saan 10 ang mula sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok. Karamihan sa mga biktima ay nasawi dahil sa pagguho ng lupa.
Apat naman ang nasawi sa Rizal—dalawa sa Rodriguez dahil sa rockslide, isa sa Antipolo matapos tamaan ng bumagsak na puno, at isa sa Binangonan dahil sa pagkalunod.
Apat din ang patay sa Batangas, habang dalawa ang nasawi sa Occidental Mindoro at tig-dalawa sa Caloocan.
May naitala ring pagkamatay sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Samantala, 19 ang sugatan, kabilang ang 12 mula sa Benguet. Tatlo naman ang patuloy na hinahanap—tig-isa sa Quezon City, Manila at Batangas City.
8 MILYONG PILIPINO APEKTADO
Umabot na sa 2.3 milyon pamilya o 8 milyong indibidwal ang naapektuhan sa Regions I, II, III, V, VI, IX, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.
Nasa 297 evacuation centers ang kasalukuyang ginagamit, kung saan nasa 7,500 pamilya o 25,800 katao ang pansamantalang nanunuluyan.
Tinatayang 2,900 bahay ang napinsala, kabilang ang 2,600 partially damaged at 349 totally damaged.
Pumalo naman sa P6.11 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang P2.32 bilyon naman ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Samantala, umabot na sa P1.65 bilyon ang halaga ng tulong na naipamahagi sa mga apektadong komunidad.
117 LUGAR NASA STATE OF CALAMITY
Aabot na sa 117 lugar ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang Dagupan, Pangasinan, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Rizal, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.
Pinakamalaki ang bilang sa Bulacan na may 24, sinundan ng Cavite na may 23, Pampanga na 21, Benguet na 14 at Zambales na 13.
Patuloy naman ang monitoring at pagbibigay ng ayuda sa mga lugar na matinding naapektuhan ng mga bagyo at Habagat.


