Date
Time
CityLoading...
Weather☀️ 29.9°C
USD P62.54
EUR €0.86
The Insider News Philippines
Back to Home
Nation

Speaker Dy: Anti-Political Dynasty law, prayoridad ng kamara

NI Cyrill QuiloSeptember 17, 20263 min read6 views1 day ago
Speaker Dy: Anti-Political Dynasty law, prayoridad ng kamara

NANINDIGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na prayoridad ng Kamara ang pagpasa ng isang makatwiran at naaayon sa Konstitusyon na batas laban sa political dynasty, kasunod ng utos ng Korte Suprema na gampanan ng Kongreso ang matagal nang tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas.

Ayon kay Dy, nauna nang inaprubahan ng Kamara ang kanilang bersyon ng anti-political dynasty law ilang buwan bago inilabas ng Supreme Court ang desisyon nito na nag-aatas sa Kongreso na kumilos.

“Isang prayoridad ng Bagong Kongreso ang maisabatas ang isang makatwiran at konstitusyonal na Anti-Political Dynasty Law,” pahayag ni Dy.

Aniya, bahagi ito ng tungkulin ng Kongreso na bigyang-bisa ang mga prinsipyo ng Konstitusyon, palawakin ang pantay na oportunidad sa serbisyo publiko, palakasin ang demokratikong pakikilahok at itaguyod ang mabuting pamamahala.

Inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 8389, o ang panukalang Anti-Political Dynasty Act, sa ikatlo at huling pagbasa noong Hunyo 3 sa botong 267 pabor, 20 tutol at pitong abstain.

Ipinadala ang panukala sa Senado noong Hunyo 8. Kabilang sina Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos sa mga pangunahing may-akda nito, kasama ang 173 iba pang mambabatas na lumagda bilang co-authors.

Sa ilalim ng bersyon ng Kamara, saklaw ng pagbabawal ang mga mag-asawa at mga kamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity sa mga partikular na sitwasyong may kinalaman sa sabay o magkakasunod na paghawak ng elective public office.

May sariling bersyon din ang Senado, ang Senate Bill No. 1901, na kasalukuyang nakabinbin sa ikalawang pagbasa.

Layunin ng mga panukala na ipatupad ang Article II, Section 26 ng 1987 Constitution, na nag-aatas sa Estado na tiyakin ang pantay na access sa mga oportunidad para sa serbisyo publiko at ipagbawal ang political dynasties “as may be defined by law.”

Sa nagkakaisang desisyon ng Supreme Court na may petsang Agosto 26 at inilabas sa publiko noong Setyembre 16, sinabi ng Mataas na Hukuman na may mandatory constitutional duty ang Kongreso na magpasa ng batas laban sa political dynasties.

Ayon sa Korte Suprema, ang kabiguan ng Kongreso na magpatibay ng enabling law sa loob ng 39 taon ay umabot sa antas ng grave abuse of discretion. Inatasan nito ang lehislatura na ipasa ang batas sa “earliest opportunity,” kabilang ang malinaw na depinisyon ng political dynasty at saklaw ng pagbabawal.

Sinabi ni Dy na dumating ang desisyon sa panahong may pagkakataon ang Kongreso na tuluyang bigyang-bisa ang probisyong konstitusyonal na matagal nang naghihintay ng enabling law.

“Thirty-nine years after the ratification of the 1987 Constitution, Congress has a historic opportunity to give fuller legislative effect to a constitutional policy that has long awaited comprehensive implementation,” ani Dy.

Binigyang-diin naman ng Speaker na ang anti-political dynasty law ay hindi lamang simpleng pagbabawal o paghihigpit sa mga pamilyang nasa pulitika.

Aniya, kailangan itong magkaroon ng makatarungan, malinaw at prinsipyo-based na legal framework na nagtataguyod ng pantay na oportunidad sa serbisyo publiko habang pinoprotektahan ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga kinatawan.

Sa huli, sinabi ni Dy na dapat tiyakin ng batas na mananatiling bukas ang serbisyo publiko sa mas maraming Pilipino, malinaw at makatwiran ang anumang limitasyong ipatutupad, at ang paggamit ng kapangyarihang pampulitika ay mananatiling nakabatay sa Konstitusyon, pananagutan sa bayan at soberanong kagustuhan ng mamamayan.

Share:

Related Articles